Wednesday

LA VISA LOCA: Opinyon



La Visa Loca (2005)






1. Anu-anong mga katangian ng mga Pilipino ang makikita sa pelikula na nagpapahiwatig ng atin pa ring pagkatali sa Amerika?

Kahit sino ang tinanong mo sa Pilipinas, lahat ay may mga pinsan o kasama na iniwan ang Pilipinas upang tumira sa Estados Unidos. Marahil masasabi nila na ito ay para sa kanilang trabaho o pag-aaral ngunit ano ba ang dahilan ng karami-raming umaalis patungo sa Estados Unidos? Ang mga Pilipino ay hangang-hanga sa kultura ng mga Amerikano. Sa wika pa lang, halos pipilitin makapag-ingles kahit baluktot naman ang tunog gaya ng "inay" ni Jess na nakatikim lang ng US, akala mo hindi na isang kapwa Pilipino kung magsalita. Tama rin ang sinabi sa radyo sa pelikula na ang mga Pilipino ay nasasanay gumamit ng mga amerikanong termino kahit may tagalog na katumbas ito.



2. Anu-ano ang mga pagkakapareho ng mga Pilipino noong panahon ng mga Amerikano at ng lipunang Pilipino sa pelikula.

Sa tingin ko, ang pagkakapareho ng mga Pilipino noon ay umaasa pa rin tayo sa Estados Unidos sa araw-araw na pamumuhay. Nang nandito pa ang mga Amerikano, naka-asa tayo sa kanila trabaho, mga produkto at pamumuhay. Parang ang mga Amerikano ang may dalang sagot sa ating mga pangangailangan. Ngayong umalis na ang mga Amerikano, ang naging magandang sagot ay pumunta sa Estados Unidos kahit kinakailangan mag TNT. Ang mga produktong medikal, teknolohiya at iba pa ay maaari lamang mabili sa ibang bansa. Upang magkaroon ng magandang sweldo, kinakailangan talaga mag trabaho sa Estados Unidos. Marahil nawala na talaga ang pusong magtrabaho ng maigi upang maiangat ang sariling bansa.



3. Paano ipinakita sa pelikula ang persepsyon o pagtingin ng mga banyaga sa ating bansa?

Ang pagkita ko sa pagtrato ng mga Amerikano sa mga Pilipino sa pelikula ay tayo ay isang hindi progresibong bansa. Para tayong mga katutubo na nakatira sa siyudad. Sa tingin nila na tayo ay mga walang maruruming, walang pinag-aralan na nilalang. Napakababaw ang tingin ng mga Amerikano sa atin sa punto na halos hindi na tayo nila pinapansin o karapat-dapat na makipag usap. Maihahawig ko ito sa mga ibang taong-siyudad na mababaw ang tingin sa mga taong-probinsya. Sa mata ng mga Amerikano, tayo ay mga utusan lamang o pinanggagalingan ng kasiyahan.



4. Ayon sa pelikula, ano ang persepsyon o pagtingin ng mga pangkaraniwang Pilipino sa Amerika?

Sa kabaliktaran, ang tingin naman ng mga Pilipino sa Amerikano ay sila ay mga maunlad, matatalino, mayayaman at para sa iba, magaganda at gwapong mga nilalang. Sila ang mga idolo ng Pilipino. Isa sa mga pangarap ng ibang Pilipino na tayo ay maging katulad nila sa itsura, pananalita at kultura. Sa iba naman, ang pagkakaroon ng asawang Amerikano ay isang bagay na magpapabuti sa kanilang pamumuhay. Iba-iba ang pagkita ng mga tao sa mga Amerikano ngunit lahat ito ay nang-galing sa pagmangha natin sa kanila. Para sa akin, ang dahilan nito ay ang pamaraan ng pagsakop ng mga Amerikano sa atin. Mas pinili nilang amuin sa pamamagitan ng "pagtulong" upang mabigay natin ang ating tiwala sa kanila. Habang lumilipas ang panahon, nasasanay na tayo na umasa lamang sa Amerikano. Parang sila ang amo at tayo ang mga alagad.



5. Mahalaga at makatotohanan ba ang Pelikula. Ipaliwanag.

Masasabi ko na makatotohanan ang pelikula kapag pinag-uusapan ang kondisyon ng bansa at ang relasyon natin sa mga Amerikano. Base sa aking mga napanood at karanasan, ang mga pangyayari sa pelikula ay totoo hanggang ngayon. Ang maganda sa pelikula ay ginawa nila itong medyo komedya upang mas lalong maipakita ang mga punto nila. Kapag nakakapunta ako sa probinsya, madalas nakakarinig ako ng mga usapan na ang punto lamang ay pag-idolo sa mga Amerikano. Magugulat nalang ako na kapag may hinahanap akong pinsan at biglaan ko lang malalaman na umalis na pala ito sa bansa. Madalas ko ngang tinatanong ang nanay ko kung bakit wala akong nakukuhang regalo sa mga ninang ko at sinasabi niya sa akin na lahat sila ay lumipat na ng bansa. Maraming kuwento na ring ako narinig tungkol sa diskriminasyon ng mga banyaga sa atin at ang malala dito ay madalas pinapabayaan lamang. 
Nais kong mapanood ng mga tao itong pelikulang ito hindi lamang para maging masaya ngunit nais ko rin mapanood nila ito upang magkaroon sila ng pasanin na baguhin ang kalagayan ng bansa natin ngayon


No comments:

Post a Comment